3 Sa barangay namin 11 ang namatay. Sa evacuation center kung nasaan kami tumuloy, nasira iyong bubong at ang mga salamin nabasag. Pati mga pintuan nakalas. Nasugatan din po ako kasi iyong mga salamin ng bintana nabasag at lumipad. Tatay ko rin po nasugatan sa braso. Q10: Ano ang nangyari pagkatapos? A10: Noong humupa na ang bagyo at humina na ang hampas ng hangin, bumalik ang tatay ko sa bahay namin. Laking gulat niya na wala na pala ang bahay namin. Na-wash out at ang tanging natira ay tatlong maliit na haligi at ¼ na flooring. Wala na ang lahat ng gamit namin. Bago mag-Yolanda, inayos ng tatay ko mga gamit namin at siniguro na hindi ito masisira. Nilagyan niya ng mga lubid iyong T.V. namin at cabinet para kung masira, hindi magkakahiwa-hiwalay. Kaso wala rin po. Nawala lahat. Q11: Ikaw, ano ang ginawa mo pagkahupa ng malakas na ulan at hangin? A11: Bumalik ako sa bahay namin kahit malakas pa ang hangin. Gusto ko kasi makita ang nangyari… makita mismo ng mga mata ko. Sinuong ko ang malalaking bato, mga puno ng niyog, G.I. sheets, at bakal na nagliliparan. Kahit hindi pa ligtas para bumalik, bumalik po ako kasi sa isang kahon na naiwan ko na may sentimental value po sa akin. Q12: Ano ang halaga ng kahon na iyon para sa iyo? A12: Naroon po lahat ng mga literary works ko. Mga tula at mga isinulat ko po, mga medalya na nakuha ko po, mga certificates, pati ang ibang uniform ko naroon po. Para sa akin, iyong kahon na iyon na naglalaman ng mga personal kong gamit ang sumisimbolo ng kung sino ako, ang pagkatao ko, ang narating ko, at ang halaga ko. Q13: Nakita mo ba iyong kahon na hinahanap mo? A13: Hindi po. Wala na akong nabalikan. Napaupo na lang ako sa kalsada na parang nawindang na po. Wala na po akong narinig noon. Nawala bahay namin. Naisip ko paano ako mag-aaral ulit… iyong mga libro ko, uniporme ko… wala naman pambili magulang ko. Nawalan talaga ako ng lakas. Mabuti na lang nakita ko ang pusa ko na buhay pa. Doon sa tulay nakaupo ako at umiiyak. Q14: Ano ang nangyari pagkatapos? A14: Noong araw na iyon, pumunta pa ako sa may mangrove forest. Mahigit na sampung ahas ang nakasalubong ko. Hinahanap ko nga kasi iyong kahon na iyon. Nangibabaw iyong kagustuhan kong makita at makuha iyong kahon ko kahit hindi ligtas at napakaraming ahas. Noong nalibot ko na, hindi ko nakita ang kahon. Umiiyak ako pauwi at sa paglalakad ko ang dami kong nakitang patay na hayop… mga aso… pusa.

Select target paragraph3