3
Sa barangay namin 11 ang namatay. Sa evacuation center kung
nasaan kami tumuloy, nasira iyong bubong at ang mga salamin
nabasag. Pati mga pintuan nakalas. Nasugatan din po ako kasi iyong
mga salamin ng bintana nabasag at lumipad. Tatay ko rin po
nasugatan sa braso.
Q10: Ano ang nangyari pagkatapos?
A10: Noong humupa na ang bagyo at humina na ang hampas ng hangin,
bumalik ang tatay ko sa bahay namin. Laking gulat niya na wala na
pala ang bahay namin. Na-wash out at ang tanging natira ay tatlong
maliit na haligi at ¼ na flooring. Wala na ang lahat ng gamit namin.
Bago mag-Yolanda, inayos ng tatay ko mga gamit namin at siniguro
na hindi ito masisira. Nilagyan niya ng mga lubid iyong T.V. namin at
cabinet para kung masira, hindi magkakahiwa-hiwalay. Kaso wala rin
po. Nawala lahat.
Q11: Ikaw, ano ang ginawa mo pagkahupa ng malakas na ulan at
hangin?
A11: Bumalik ako sa bahay namin kahit malakas pa ang hangin. Gusto ko
kasi makita ang nangyari… makita mismo ng mga mata ko. Sinuong
ko ang malalaking bato, mga puno ng niyog, G.I. sheets, at bakal na
nagliliparan. Kahit hindi pa ligtas para bumalik, bumalik po ako kasi
sa isang kahon na naiwan ko na may sentimental value po sa akin.
Q12: Ano ang halaga ng kahon na iyon para sa iyo?
A12: Naroon po lahat ng mga literary works ko. Mga tula at mga isinulat
ko po, mga medalya na nakuha ko po, mga certificates, pati ang ibang
uniform ko naroon po. Para sa akin, iyong kahon na iyon na
naglalaman ng mga personal kong gamit ang sumisimbolo ng kung
sino ako, ang pagkatao ko, ang narating ko, at ang halaga ko.
Q13: Nakita mo ba iyong kahon na hinahanap mo?
A13: Hindi po. Wala na akong nabalikan. Napaupo na lang ako sa kalsada
na parang nawindang na po. Wala na po akong narinig noon. Nawala
bahay namin. Naisip ko paano ako mag-aaral ulit… iyong mga libro
ko, uniporme ko… wala naman pambili magulang ko. Nawalan talaga
ako ng lakas. Mabuti na lang nakita ko ang pusa ko na buhay pa.
Doon sa tulay nakaupo ako at umiiyak.
Q14: Ano ang nangyari pagkatapos?
A14: Noong araw na iyon, pumunta pa ako sa may mangrove forest.
Mahigit na sampung ahas ang nakasalubong ko. Hinahanap ko nga
kasi iyong kahon na iyon. Nangibabaw iyong kagustuhan kong makita
at makuha iyong kahon ko kahit hindi ligtas at napakaraming ahas.
Noong nalibot ko na, hindi ko nakita ang kahon. Umiiyak ako pauwi
at sa paglalakad ko ang dami kong nakitang patay na hayop… mga
aso… pusa.