2 sa aming kaligtasan at sa kaligtasan ng aking tatay na naiwan sa bahay. Kasama niya ang tatlo (3) ko pang pinsan na nakikipisan sa aming bahay noon. Naalala ko ang pagmamadali ng mga tao bitbit ang sari-saring mga gamit para lumikas sa mas mataas na lugar. Nagpalipas kami ng magdamag sa isang kaibigan ng aking nanay sa Project 4, Quezon City. Pagkatapos ng unang baha, naging sikat na ang aming lugar sa “baha”. Sa mahabang panahon hindi na muli kami nakaranas ng baha pagkatapos ng 1986. Ang sabi ng lokal na pamahalaan, may “floodway” na kaya hindi na babaha. Hanggang dumating si Ondoy noong 2009. Kasama ko ang kapatid kong bunso at ang asawa niya sa aming opisina noong 26 Setyembre 2009 sa Mandaluyong City. Walang humpay ang pagbuhos ng malakas na ulan mula madaling-araw noong araw na iyon. Panay ang pagte-text-an naming magkakapatid dahil nga sa malakas na pag-ulan, tila nasanay na kami sa posibilidad ng pag-apaw ng ilog at pagbaha. Bandang alas nuwebe ng umaga (9:00 a.m.), nagmensahe ang kapatid ko na umapaw na ang ilog kung kaya nag-uunti-unti na silang mag-akyat ng gamit sa ikalawang palapag ng aming bahay. Bandang alasdiyes ng umaga (10:00 a.m.), nagmensahe ulit at nagsabi na nasa main road na ang tubig at hindi pa rin tumitigil ang malakas na pagbuhos ng ulan. Nagpasya kami ng aking kapatid na umuwi ng bahay, subalit pagdating namin sa Cubao, wala na kaming masakyan kaya naisipan naming bumalik sa Mandaluyong. Sa puntong ito, nagmensahe ang aking kapatid na nag-warning na ang mga taga barangay na lumikas. Mabilis ang mga pangyayaring sumunod. Batay sa sunod-sunod na palitan ng texts, hindi pa nila naiaakyat ang lahat ng gamit sa second floor ng bahay, pumasok na ang tubig sa loob. Napilitan nang iwanan ang ilang gamit na hindi pa naiiakyat at manatili na lamang sa ikalawang palapag (2nd floor) ng aming bahay. Malakas pa rin ang buhos ng ulan, tila walang balak tumigil. Kahit paano ay tila nakampante na ako dahil nasa ikalawang palapag ng bahay ang aking pamilya. Gayunpaman, tuloy-tuloy na tumaas ang tubig, hanggang sa umabot na sa ikalawang palapag ng bahay. Nagpa-panic na ang damdamin ko dahil batay sa text ng kapatid ko, patuloy pang tumataas ang tubig sa ikalawang palapag. Nag-aalala ako sa nanay at tatay kong matatanda na (senior citizens), pamangkin na tatlong (3) taon, at iba pang mga pamangkin, kasama na rin ang aking kapatid. Nang matanggap ko ang text na patuloy na tumataas ang tubig at abot-tuhod na sa ikalawang palapag, at naghahanap na sila ng paraan paano aakyat sa bubong, tila mababaliw na ako sa kaba. Naghahanap na ako ng saklolo, walang tigil ang pagkontak sa mga kakilala kong maaaring may kontak sa mga rescue operations, sa LGU, sa mga sundalo kahit sino na makakatulong. Pero sa kasamaang-palad, hindi makontak ang mga tanggapan na nabanggit. Sa panahong ito, sinisisi ko ang aking sarili dahil bakit hindi ako nakauwi para masamahan sila. Na kahit na wala rin akong magagawa, makapagbibigay ng lakas-loob ang aming pagsasama-sama sa gitna ng kalamidad. Na napakasaklap nang wala kang impluwensya o kakilala sa mga ahensya ng gobyerno, sa pulitiko para sa panahon ng kagipitan ay may malalapitan ka.

Select target paragraph3