Salaysay ni Bb. Veronica V. Cabe
Ako si Veronica Valdez Cabe, 45 years old, panganay na anak sa limang (5)
magkakapatid. Ang mga magulang ko ay sina Fatima V. Cabe, isang maybahay, at
Rodrigo Cabe (pumanaw na). Ako ay kasalukuyang volunteer community organizer
ng Coal-Free Bataan Movement, isang People’s Organization na naka-base sa
Bataan.
Ako ay inanyayahan nila Atty. Hasminah D. Paudac, isa sa aming legal
representative sa Climate Change and Human Rights Petition na inihain namin sa
Commission on Human Rights, at Bb. Desiree Llanos Dee, senior climate justice
campaigner ng Greenpeace Southeast Asia (Philippines), noong 17 Oktubre 2018 sa
kanila opisina sa JGS Building, 30 Scout Tuazon Street, Brgy. Laging Handa,
Quezon City upang ibahagi ang aking karanasan kung paano ang aking buhay sampu
ng aking pamilya ay naapektuhan ng mga matitinding kalamidad na maaaring dulot
ng pagbabago sa klima.
Hindi po kami mayaman. Karaniwang empleyado lamang ang aking mga
kapatid. Ako naman ay volunteer at hindi tumatanggap ng sahod, bagkus ay
allowance lang mula sa organisasyon na aking kinabibilangan. Kami po ay
nagsimulang manirahan sa Marikina noong 1981. Dinemolished kami sa aming
tirahan sa Tandang Sora, Quezon City at inilipat kami ng National Housing
Authority (NHA) sa relocation site sa Marikina City. Grade 2 lamang ako noon.
Mula noon, tatlumpu’t pitong (37) taon na ang nakakalipas at hanggang ngayon ay
naninirahan kami sa komunidad ng Olandes, IVC, Marikina.
Bukid pa noon ang aming lugar, nasa tabi ng ilog Pasig. Halos isang daang
(100) pamilya ang mga inilipat doon kasama namin. Naalala ko pa, tuwing hapon,
naghuhukay kami para makakuha ng mga kamoteng-baging at niluluto ng nanay ko
para maging meryenda naming magkakapatid. Sari-saring gulay din ang napipitas
ng nanay ko para sa aming ulam gaya ng kulitis, saluyot, talong, okra, alugbati at
talbos ng kamote.
Sa aking alaala, hirap kami kapag umuulan kasi wala pang maayos na daan,
hindi sementado at walang mga ilaw. Kapag umuulan, mahirap ang paglalakad
papunta sa aking eskwelahan. Pumapasok ako sa Libis Elementary School kung
saan kailangan kong tawirin ang sapa na ang nagdudugtong ay dalawang (2) poste
ng kuryente na ginawang tulay. Kapag umuulan, umaapaw ang sapa, at inaabot ang
tulay. Malakas ang agos ng tubig patungo sa ilog Pasig. Minsan pumapasok ako na
basang-basa ang buong katawan pati ang mga gamit.
Nasa Grade 6 ako noon nang makaranas kami ng malaking baha sa unang
pagkakataon sa aming lugar. Maliliit pa ang aking kapatid noon. Lagpas tao ang
lalim ng baha. Naalala ko na kapit-kapit kaming magkakapatid bitbit ang bags ng
damit, naglalakad kami sa hanggang bewang na tubig-baha para lumikas sa mas
mataas na lugar. Bilang panganay, karga ko ang kapatid kong isang (1) taon at
hawak sa kamay ang mas nakababatang kapatid. Bitbit ng nanay ko ang iba pang
mga gamit. Habang ang tatay ko ay naiwan sa aming bahay upang tiyakin ang iba
pa naming gamit sa bahay ay hindi mananakaw o secured. Natatakot ako noon para