Salaysay ni Gg. Elicer G. Lauce Gg. Elicer G. Lauce, 53 taong gulang, taga-barangay San Isidro, Capalonga, Camarines Norte, isang magsasaka at mangingisda, at Pangulo ng Samahan ng Magsasaka at Mangingisda ng Barangay San Isidro (SAMMABSI) (Ang panayam kay Gg. Elicer G. Lauce ay naganap noong ika-31 ng Hulyo taong 2018 sa Capalonga, Camarines Norte. Ito ay inilahad kina Atty. Hasminah D. Paudac at Gg. Mohamad Rayyan M. Domado.) Q1: Maaari mo ba kaming bigyan ng maikling personal na impormasyon? A1: Isa akong magsasaka at mangingisda. Ang tatay ko ay taga-Paracale at ang nanay ko ay taga-Capalonga. Ako ang bunso sa limang magkakapatid. Ang kabuhayan namin ay pangingisda at pagsasaka. Mayroon akong anim na anak, tatlo sa kanila ang nakapagtapos na ng kolehiyo, at tatlo pa ang nag-aaral. Q2: Kailan ka nag-umpisa magsaka at mangisda? A2: Simula noong bata pa ako, kinamulatan ko na ang pagsasaka. Mga Grade 3 palang ako, marunong na akong magtanim ng palay at mga gulay. Nagtatanim kami ng mga gulay sa loob ng aming bakuran para sa aming konsumo. Tinutukan ko ang pagsasaka noong 2006. Nagsaka ako sa loob ng 12 hanggang 13 na taon. Ako ay nakipagsapalaran sa ibang lugar pero bumalik ako sa Capalonga simula nang mabalitaan ko na puwede akong maging benipisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at noong nakaraang Mayo 2018 ay nagkaroon na ako ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang area ay 1.8 ektarya galing sa Department of Agrarian Reform. Q3: Anu-ano ang mga itinatanim ninyo? A3: Sitaw, talong, saging, niyog at mga gulayin. Q4: Sa tagal ninyo pong pagsasaka, mayroon po ba kayong napansin na kakaiba sa pagsasaka noon at ngayon? A4: Wala kaming problema noon kasi may pinagkukunan kami ng tubig dahil may maliit kaming sapa. Dati, dalawang beses kami magsaka sa isang taon. Pero simula noong unti-unting natutuyo ang sapa noong taong 2000, isahan na lang sa isang taon ang pagsasaka. Dati, nagtatanim ka ng Hunyo, at nag-aani ng Setyembre hanggang Oktubre. Tapos kapag Disyembre kami nagtatanim, sa Marso kami nag-aani. Sa ngayon din, hindi naming natatamnan ang dalawang sakahan kasi kulang na kulang ang tubig. Kung sa amin na nasa bungad ng agos ng tubig mula sa sapa ay hirap na, paano na lang ang ibang magsasaka?

Select target paragraph3