VI.
Ryan Miguel D. Rivera
The Initiative PH - Department of SOGIE Rights
Ngayong naging patok ang pagdiriwang ng Pride kumpara noong nakaraan,
umuusbong ang iba’t ibang inisyatibo para sa pagpapatatag ng puwesto ng LGBTQIA+
community tungo sa pangkalahatang pagkatanggap nito at sa pagkamit nito ng pantay na
karapatan sa ating lipunan. Marami sa mga inisyatibong ito ay inilulunsad ng sektor ng
kabataan, tulad ng mga samahang pang-adbokasiya.
Ika nga nila, “Pride is a protest.” Tahasang nilalabanan ng makabagong henerasyon ang
kulturang kontra-babae at kontra-LGBTQIA+ na naging laganap sa ating konserbatibong
lipunan nang napakaraming dekada. Bagama’t marami pa ring tao ang gumagamit ng relihiyon
bilang sandata para tutulan ang pagkakaroon ng iba pang seksuwalidad bukod sa pagiging
straight, hindi na ito hinahayaan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ na maging dahilan para
ipagkait sa kanila ang nararapat nilang makuhang respeto bilang mga miyembro rin ng lipunan.
At sa konteksto ng isang pandemya, iisa lamang ang naging kalabasan ng ganitong
determinasyon: ang pagkakaisa. Noong buwan ng Hunyo, kasabay ng buong mundo, tumungo
sa mga platapormang online ang kilusang Pride para magpatuloy ito nang makaiwas sahawaan.
Hindi man natuloy ang malawakang selebrasyon ng Pride Parade tulad noong mga nakaraang
taon, umusbong naman ang iba’t ibang organisasyon na naglunsad ng mga gawaing nagpakilala
sa LGBTQIA+ community sa mas malawakna lipunan sa pamamagitan ng mga webinar,
educational discussion, infographic, art showcase, at marami pang iba.
Gayundin, nagpatuloy naman ang mga kilos-protesta ng sektor ng LGBTQIA+ laban
sa patuloy na paglapit sa pasismo at paglabag ng mga karapatang pantao. Naging bokal ang
komunidad matapos makulong ang 20 miyembro ng Bahaghari noong Pride March nang
walang maibigay na dahilan, hanggang sa sila ay mapalaya muli. Sumatutal, limitado mang
paggalaw ang naging bunsod ng COVID-19, ipinakita ng LGBTQIA+ ang pagkamaparaan nito
para malampasan ang lahat ng mga limitasyong ito sa pagpapahayag ng adbokasiya.
Select target paragraph3
Connect to a paragraph
Connect to an entity
Disable highlights
Add to table of contents