3
Samantala, nagsabi na ang aking kapatid na sinira na nila ang dingding ng
aming bahay upang makaakyat sa bubong dahil patuloy pang tumataas ang tubig na
noo’y nasa dibdib na nila. Naiiyak na ako sa kawalan ng magagawa, at
“powerlessness” sa panahong iyon. Walang humpay akong nananalangin na sana
ay tumila na ang ulan at mailigtas na ang aking pamilya sa tiyak na kapahamakan.
Iniisip ko ang aking pamilya habang umaakyat ng bubong, habang nakatambay sa
bubong ng bahay. Inilalarawan nila na parang malawak na dagat na ang paligid,
malakas na umaagos ang tubig, inaanod ang sari-saring mga gamit-pambahay gaya
ng refrigerator, sofa, mesa, aparador, kalan, at marami pang iba. Kahit ang patay
na nakaburol noong panahon na iyon sa kabilang kanto na itinali ang kabaong ay
nagpapalutang-lutang din.
Parang pelikula ang nagaganap. Hindi ako makapaniwala at lalong hindi ko
matanggap na sa patuloy na pagbuhos pa ng ulan ay maaari nang malunod ang buo
kong pamilya kung hindi mare-rescue sa itaas ng aming bubong.
Mabuti na lamang at iyong kapit-bahay namin at may ikatlong palapag (third
floor) na bahay. Sinikap ng aking pamilya na makaabot sa ikatlong palapag ng kapitbahay na noong panahong iyon ay kinukumpuni (under construction) pa. Sa text ng
aking kapatid, umabot sila sa halos apatnampung (40) tao at mga alagang hayop,
aso, manok, at pusa na magkakasama sa limampung (50) square meter na laki ng
ikatlong palapag na bahay. Halos kalahati sa kanila ay basang-basa sapagkat
kalahati lamang ng bahay ang may bubong at wala pang dingding. Binigyang
prayoridad na makasilong ang mga bata at ang mga matatanda. Magkahalong
gutom, panginginig sa lamig, basang mga katawan, at takot sa kanilang kalagayan
ang huling text na aking natanggap. Matapos ito ay naputol na ng pagbibigay sakin
ng update dahil sa naubos na ang baterya ang kanilang cell phone.
Halos madaling araw na, bandang ala-dos (2:00 a.m.) ay nagpasya na kami ng
aking kapatid na bunso at asawa nito na umuwi sa bahay. Nagluto na din kami ng
kanin at adobo para makakakain ang aking pamilya. Nagbaon ng tinapay at tubig.
Tumila na din ang ulan kung kaya ang baha sa paligid na lugar kung saan kami
naroroon ay humupa na. Nakaabot kami hanggang sa Katipunan at duon tambak na
ang mga taong naglalakad. Ginawa ding emergency center ng gobyerno ang ilalim
ng fly over sa Katipunan. Naghintay kami sa Katipunan nang halos dalawang (2)
oras. Matapos ang paghihintay, naglakas-loob kami, nakisabay sa maraming
nagtangkang lumakad at lumusong sa pahupa nang baha papunta sa aming lugar sa
Marikina. Hawak ko ang kaldero ng kanin, samantalang ang aking bayaw ay tubig
at ulam at ang kapatid ko ay ang tinapay at mga tuyong damit. Hindi kami sigurado
sa dadaanan at dadatnan. Sa bungad pa lang, nasa dibdib pa ang lalim ng tubig.
Subalit may mga taong kasama kami na lumulusong na din. Ito ang nagpalakas ng
loob namin para lumusong na din at magpatuloy sa mabagal na paglalakad.
Nakarating kami sa aming bahay, mag-a-alas sais na ng umaga (6:00 a.m.).
Madilim pa dahil sa walang kuryente. Nasa tuhod na lamang ang tubig sa loob ng
aming bahay nang kami ay dumating at naglilimas na ng putik sa ikalawang palapag
ang aking tatay at mga pamangkin. Niyakap ko una ang aking mga pamangkin na
noo’y nanginginig na sa lamig dahil sa magdamag nang basa ang katawan. Halos