Pareho kami ng girlfriend kong hindi out sa pamilya kaya naiintindihan naming hindi pa ngayon ang panahon. Parehong alam ng mga kapatid namin at pareho naman silang tahimik tungkol dito. Noong mga unang buwan ay sobra akong nahirapan. Bukod sa kailangan naming itago relasyon namin sa pamilya namin, nahirapan ako dahil isang linggo ko pa lang siyang girlfriend noong biglang nag-lockdown. Nag-aaral kami sa iisang paaralan bago ang lockdown pero magkalayo ang bahay namin. Hindi pa man kami ay siya na ang pinaghuhugutan ko ng lakas kapag may problema ako. Magkaibigan pa lang kami ay nasanay na kong napapakalma niya ako sa pamamagitan lang ng yakap niya. Nahirapan ako dahil nasanay akong parati ko siyang hawak, parati ko siyang kayakap, at parating magkadikit ang aming mga labi. Iba yung pakiramdam ko noong nag-lockdown na at inabot ng ilang buwan, dahil siya ang "safe space" ko. Ang bumalik sa bahay naming may internalized homophobia ang lahat ng taong nakapaligid sakin ay masyadong mabigat. Mas kaya ko na ngayon kumpara noong mga unang buwan ngunit madalas ko pa ring naiisip kung kailan ako aamin. Sa totoo lang, ayaw ko na sanang dumaan dun. Minsan sumasagi sa isip ko na hahayaan ko na lang mamatay ang magulang kong hindi nila alam ang parteng to ng buhay ko. Hindi ko rin naman gugustuhing ang mga huling taon ng magulang ko sa mundo ay sasayangin nila na kinadidirian ako. Mabait ang mga magulang ko at matulungin sa kapwa, at tanggap nila ang mga bakla at lesbiyanang nagtatrabaho para sa amin, ngunit alam kong pagdating sa sarili nilang anak ay isusuka nila. Kahit ganun, may support system naman ako. Out ako sa halos lahat ng kaibigan ko. Out din ako sa ate at isa kong pinsan, na parehong bisexual. Mahirap magtago pero ilang taon ko na rin naman itinatago mula sa kanila. Wala pa akong magawa dahil alam kong hindi pa ito ang panahon. Hindi pa pwede.

Select target paragraph3

Connect to a paragraph
Connect to an entity
Disable highlights
Add to table of contents