Ako si KC, isang transgender man at ito po ang aking istorya. Ako po ay isang
government contractual employee. Nakatira po ako kasama ang aking girlfriend at ang aming
anak. Lubos akong naapektuhan ng COVID-19 Pandemic at ang aking pamilya.
Sa ngayon po ay lubog kami sa daming utang dahil hindi ako nakatanggap ng pinansyal na
ayuda galing sa aming barangay. Kakarampot lang ang aking sahod sa trabaho at hindi
nagkakasya sa amin ng aking gf, dahil sa ako lang sa aming dalawa ang nakakapagtrabaho.
May nakasanla rin sya kaya ako lang ang sumasapo ng gastusin sa bahay, kuryente, at tubig.
Nung nakaraang buwan ay namatay ang aking lola. Dahil sa hirap ay hindi namin sya agad
nakuha sa freezer at lumubo ang kanyang katawan. Hirap na hirap ang aming pamilya para
lamang maiburol nang maayos ang lola ko. Dahil sa pag-aasikaso sa labi ng lola ko, nabangga
pa ng kotse ang aking nanay. Hindi biro ang pag aayos namin dahil sa kawalan din ng
masasakyan, kaya nagrenta na lang ng kotse ang nanay ko
Ngayon, nagkaroon ng 11 positibo sa COVID19 sa aming barangay. Kaya napailalim ang
pamilya ko sa hard lockdown. Magkakasama roon ang aking mga magulang, kapatid, pinsan,
at mga pamangkin. Hindi ako pwedeng sumama sa kanila dahil inaasahan din nila ako na
makapasok sa trabaho, dahil no work no pay kami. Dagdag pa nito, kapag nalalaman na sa
barangay na kami na yun nakatira, pinandidirihan kami ng mga tao at iniisip na may COVID19 na rin kami.
Buti na lang ay nagagamit ko ang motor ng aking pinsan upang pumasok sa trabaho at ibili
sila ng grocery dahil simula ng sunday ay 14 days pa silang nakalockdown. Sa opisina may
mga mabubuting loob na nagbibigay ng baon para makakain ako.