7
Lagi na lang ba kaming magpapalipat-lipat? Hindi madali ang paglipat. Hindi
naman kami mayaman kaya siguradong pakikibaka ang paglipat. Sa pagpupundar
na nga lang ay doble-kayod na ang aking mga kapatid, paano pa kaya yung bumili
at maglipat sa bagong bahay?
Pansamantala, umupa muna kami. Dagdag na gastusin kada buwan kaya mas
doble ang pagtitipid. Lalong humirap ang pag-iipon para makapagpundar muli.
Dahil dito, ilang beses ko na ding naisip na maghanap na ng trabaho na may sahod
para makatulong sa pamilya. Pero iniisip ko rin, tama bang desisyon na magtrabaho
na muna ako at iwan muna ang mga komunidad na ino-organisa ko sa Bataan?
Masosolusyunan na ba ang problema sa baha kung magtatrabaho ako?
Ang hirap. Alam ko hindi. Hindi makakamtan ang hustisya kung
maghahanap lamang ako ng trabaho para sa pamilya. Ang katotohanan ay ang
problema ay lagpas sa amin, lagpas sa aming mga komunidad dahil ang krisis ng
kalikasan ay isang kalagayan na apektado ang lahat. Ito ang dahilan bakit naniniwala
ako sa layunin ng petisyong ito kung kaya ako lumahok.
Samantala, pagkatapos ng baha, bumabalik pa rin ang aking mga magulang sa
lumang bahay na naging tirahan namin sa loob ng tatlumpu’t-pitong (37) taon. Halos
buong buhay na namin. Naiintindihan ko ang mga magulang ko kung bakit ayaw
nilang umalis sa aming bahay. Bakit ayaw nilang lumikas at manatili sa evacuation
center at bakit kahit na nawasak at hindi na matitirahan o “livable” ang aming bahay
ay pinipili pa rin nilang manatili sa bahay na iyon. Naroon ang aming buhay, naroon
ang aming kultura, kahit mahirap ang buhay, madali ang diskarte dahil kilala namin
ng malalim ang aming komunidad. Nag-survive na kami sa mahabang panahon,
kaya paanong magiging madali para sa amin ang pag-alis? Wala ba kaming
karapatan na pumili? Kung meron lang sanang ‘choice’ na ibibigay sa amin, bakit
hindi?
Makaraan ang dalawang buwan ng pagbaha nang dahil sa Habagat, malungkot
na pumanaw ang aking tatay dahil sa stroke nitong Oktubre. Napakalungkot, buong
araw na iyon ay nasa lumang sirang bahay nanatili ang tatay ko, umuwi na lamang
nang sunduin ng aking pamangkin para kumain ng hapunan. Walang hinagap na
noong gabi ring iyon, habang tulog na ang lahat, iiwan na niya kami at siya ay
papanaw….
VERONICA V. CABE
22 Oktubre 2018