Salaysay ni Gg. Pablo R. Rosales
Pablo R. Rosales, 59 taong gulang, tubong Hulong-Duhat, Malabon City at
kasalukuyang Tagapangulo (Chairperson) ng Pagkakaisa ng mga Samahang
Mangingisda (“Pangisda Pilipinas”)
(Ang Salaysay ni Gg. Pablo R. Rosales ay kinuha noong ika-17 ng Abril
2018 sa opisina ng Greenpeace Southeast Asia-Philippines na matatagpuan sa
Room 201 JGS Building, 30 Scout Tuazon Street, Barangay Laging Handa,
Quezon City. Ang Salaysay ay kinuha nila Attys. Zelda DT. Soriano at Hasminah
D. Paudac, kasama si Bb. Veronica Cabe, isa sa mga naghain ng Petisyon.)
Q1: Ano po ang kasalukuyan ninyong kabuhayan o ginagawa?
A1: Ako po ay isang mangingisda at kasalukuyang Tagapangulo
(Chairperson) ng Pagkakaisa ng mga Samahang Mangingisda
(“PANGISDA- Pilipinas”).
Q2: Gaano na po kayo katagal na mangingisda?
A2: Mula noong walong (8) taong gulang palang ako. Pangingisda na ang
kinalakihan ko.
Q3: Paano po kayo napasok sa ganitong hanap-buhay?
A3: Kami po ay orihinal na taga Catbalogan, Samar. Ang mga magulang
ko ay magsasaka at mangingisda. Pero ang pangunahing kabuhayan ng
aming pamilya ay pangingisda. Nagsimula akong sumamang
mangisda sa tatay ko noong ako ay walong (8) taong gulang. Nagaaral pa ako noon, mga grade 3 ata yun. Pero dahil sa kahirapan,
nagpasiya ang magulang ko na mag-Maynila kami. Ang sabi kasi
noong araw, ang pera raw sa Maynila ay pinapala… pinipiko.
Q4: Pagdating ninyo po sa Maynila, ano naman po ang naging buhay
ninyo roon?
A4: Sa may Binakayan, Cavite kami tumira. Pangingisda pa rin ang naging
pangunahing hanap-buhay namin. Sumisisid kami ng arusip o lato
(seaweeds) at mga talaba. Naglilinis din ako ng jeep at noong mga
siyam (9) na taong gulang ako naging “pin boy” ng bowling ako noon.
Pero noong nagkaroon kami ng ilang kakilala sa Bataan, lumipat
naman kami ng Bataan noong 1970s.
Q5: Ano naman po ang naging buhay ninyo sa Bataan?
A5: Sa may topside ng Barangay Nasco, Mariveles Bataan kami nakalipat.
Ito ay isang coastal community malapit sa Manila Bay side. Mga
siyam (9) na taong gulang ako noon. Nahinto na ako sa pag-aaral at
doon talaga pangingisda na ang ginawa ko. Sumasama ako sa tatay ko
para mangawil (hook-and-line) sa Manila Bay. De-sagwan lang kami
noon at nanghuhuli kami ng bisugo. Kung minsan masama ang
panahon, suma-sideline naman sa “construction.”