3
Paglabas namin ng La Salle, walang masakyan. Alalang-alala na ako sa mag-anak
ko na naiwan sa bahay namin sa San Mateo. Kung baha na sa Maynila, sigurado
akong mas malalim na ang baha sa aming lugar dahil mababang bahagi iyon.
Ilang oras na ay wala talagang masakyan. Kaya naglakad kami nang naglakad.
Kung saan-saan kami nakarating pero walang masakyan. Basang basa na kami sa
ulan at baha. Walang masilungan at walang mapagpahingahan kahit maihian.
Magkakasama na ang luha, ulan, tubig-baha at ihi sa katawan ko. Nabasa, natuyo,
nabasa ang suot ko. Namimitig at nanginginig na ako sa lamig. Pero ang isip ko ay
naroon sa kung ano ang nangyayari sa aming lugar. Kumusta na kaya ang mga
anak ko. Inabot na kami ng gabi, hanggang mag-madaling araw pero wala pa ring
masakyan.
Nang sa wakas ay makarating kami sa aming Barangay, itinaboy din kami sa
evacuation center. Hindi na kami naka-diretso pauwi ng aming mga bahay dahil
ang buong Barangay ay nakalubog na sa baha.
Salamat sa Diyos at buhay at ligtas ang mga anak ko...pero kapag naaalala ko ang
mga nangyari tulad ngayon, natatakot ako, nangangamba, at nananalangin na
huwag na sanang maulit ang Ondoy. Pero sa mga napag-aralan namin tungkol sa
climate change, may mga katulad pa ng Ondoy na darating na maaring mas
malalakas at matitindi.
Nakikita ko rin iyan sa aming mga ginagawa sa Buklod Tao. Noon, tatlo-apat na
bangka lamang ang pang-rescue. Sa ngayon, mas marami nang bangka ang
kailangan para mag-rescue. Patuloy na lumalaki ang gastos sa rescue operations -gas, pagkain, first aid at iba pa. Alam ko ito kasi ako ang nag-aasikaso ng mga
pam-pinansyal at pang-administratibong bahagi ng rescue operations. Kung hindi
mapipigilan ang mga sanhi ng climate change, hanggang saan makararating ang
rescue operations na may limitadong pondo?
Ito lamang po. Nakahanda po kaming panumpaan ang mga salaysay na ito.
______________________________
Manuel A. Abinales
_____________________________
Pablo Taon III
___________________________
Francia M. Encinas