Salaysay ni Gg. Elicer G. Lauce
Gg. Elicer G. Lauce, 53 taong gulang, taga-barangay San Isidro, Capalonga,
Camarines Norte, isang magsasaka at mangingisda, at Pangulo ng Samahan ng
Magsasaka at Mangingisda ng Barangay San Isidro (SAMMABSI)
(Ang panayam kay Gg. Elicer G. Lauce ay naganap noong ika-31 ng Hulyo
taong 2018 sa Capalonga, Camarines Norte. Ito ay inilahad kina Atty. Hasminah
D. Paudac at Gg. Mohamad Rayyan M. Domado.)
Q1: Maaari mo ba kaming bigyan ng maikling personal na
impormasyon?
A1: Isa akong magsasaka at mangingisda. Ang tatay ko ay taga-Paracale at
ang nanay ko ay taga-Capalonga. Ako ang bunso sa limang
magkakapatid. Ang kabuhayan namin ay pangingisda at pagsasaka.
Mayroon akong anim na anak, tatlo sa kanila ang nakapagtapos na ng
kolehiyo, at tatlo pa ang nag-aaral.
Q2: Kailan ka nag-umpisa magsaka at mangisda?
A2: Simula noong bata pa ako, kinamulatan ko na ang pagsasaka. Mga
Grade 3 palang ako, marunong na akong magtanim ng palay at mga
gulay. Nagtatanim kami ng mga gulay sa loob ng aming bakuran para
sa aming konsumo. Tinutukan ko ang pagsasaka noong 2006. Nagsaka
ako sa loob ng 12 hanggang 13 na taon. Ako ay nakipagsapalaran sa
ibang lugar pero bumalik ako sa Capalonga simula nang mabalitaan ko
na puwede akong maging benipisyaryo ng Comprehensive Agrarian
Reform Program (CARP) at noong nakaraang Mayo 2018 ay nagkaroon
na ako ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang area ay
1.8 ektarya galing sa Department of Agrarian Reform.
Q3: Anu-ano ang mga itinatanim ninyo?
A3: Sitaw, talong, saging, niyog at mga gulayin.
Q4: Sa tagal ninyo pong pagsasaka, mayroon po ba kayong napansin na
kakaiba sa pagsasaka noon at ngayon?
A4: Wala kaming problema noon kasi may pinagkukunan kami ng tubig
dahil may maliit kaming sapa. Dati, dalawang beses kami magsaka sa
isang taon. Pero simula noong unti-unting natutuyo ang sapa noong
taong 2000, isahan na lang sa isang taon ang pagsasaka. Dati,
nagtatanim ka ng Hunyo, at nag-aani ng Setyembre hanggang Oktubre.
Tapos kapag Disyembre kami nagtatanim, sa Marso kami nag-aani. Sa
ngayon din, hindi naming natatamnan ang dalawang sakahan kasi
kulang na kulang ang tubig. Kung sa amin na nasa bungad ng agos ng
tubig mula sa sapa ay hirap na, paano na lang ang ibang magsasaka?