2
sa aming kaligtasan at sa kaligtasan ng aking tatay na naiwan sa bahay. Kasama
niya ang tatlo (3) ko pang pinsan na nakikipisan sa aming bahay noon. Naalala ko
ang pagmamadali ng mga tao bitbit ang sari-saring mga gamit para lumikas sa mas
mataas na lugar. Nagpalipas kami ng magdamag sa isang kaibigan ng aking nanay
sa Project 4, Quezon City. Pagkatapos ng unang baha, naging sikat na ang aming
lugar sa “baha”.
Sa mahabang panahon hindi na muli kami nakaranas ng baha pagkatapos ng
1986. Ang sabi ng lokal na pamahalaan, may “floodway” na kaya hindi na babaha.
Hanggang dumating si Ondoy noong 2009.
Kasama ko ang kapatid kong bunso at ang asawa niya sa aming opisina noong
26 Setyembre 2009 sa Mandaluyong City. Walang humpay ang pagbuhos ng
malakas na ulan mula madaling-araw noong araw na iyon. Panay ang pagte-text-an
naming magkakapatid dahil nga sa malakas na pag-ulan, tila nasanay na kami sa
posibilidad ng pag-apaw ng ilog at pagbaha. Bandang alas nuwebe ng umaga (9:00
a.m.), nagmensahe ang kapatid ko na umapaw na ang ilog kung kaya nag-uunti-unti
na silang mag-akyat ng gamit sa ikalawang palapag ng aming bahay. Bandang alasdiyes ng umaga (10:00 a.m.), nagmensahe ulit at nagsabi na nasa main road na ang
tubig at hindi pa rin tumitigil ang malakas na pagbuhos ng ulan. Nagpasya kami ng
aking kapatid na umuwi ng bahay, subalit pagdating namin sa Cubao, wala na
kaming masakyan kaya naisipan naming bumalik sa Mandaluyong. Sa puntong ito,
nagmensahe ang aking kapatid na nag-warning na ang mga taga barangay na
lumikas.
Mabilis ang mga pangyayaring sumunod. Batay sa sunod-sunod na palitan ng
texts, hindi pa nila naiaakyat ang lahat ng gamit sa second floor ng bahay, pumasok
na ang tubig sa loob. Napilitan nang iwanan ang ilang gamit na hindi pa naiiakyat
at manatili na lamang sa ikalawang palapag (2nd floor) ng aming bahay. Malakas pa
rin ang buhos ng ulan, tila walang balak tumigil. Kahit paano ay tila nakampante na
ako dahil nasa ikalawang palapag ng bahay ang aking pamilya.
Gayunpaman, tuloy-tuloy na tumaas ang tubig, hanggang sa umabot na sa
ikalawang palapag ng bahay. Nagpa-panic na ang damdamin ko dahil batay sa text
ng kapatid ko, patuloy pang tumataas ang tubig sa ikalawang palapag. Nag-aalala
ako sa nanay at tatay kong matatanda na (senior citizens), pamangkin na tatlong (3)
taon, at iba pang mga pamangkin, kasama na rin ang aking kapatid. Nang matanggap
ko ang text na patuloy na tumataas ang tubig at abot-tuhod na sa ikalawang palapag,
at naghahanap na sila ng paraan paano aakyat sa bubong, tila mababaliw na ako sa
kaba. Naghahanap na ako ng saklolo, walang tigil ang pagkontak sa mga kakilala
kong maaaring may kontak sa mga rescue operations, sa LGU, sa mga sundalo kahit
sino na makakatulong. Pero sa kasamaang-palad, hindi makontak ang mga
tanggapan na nabanggit. Sa panahong ito, sinisisi ko ang aking sarili dahil bakit
hindi ako nakauwi para masamahan sila. Na kahit na wala rin akong magagawa,
makapagbibigay ng lakas-loob ang aming pagsasama-sama sa gitna ng kalamidad.
Na napakasaklap nang wala kang impluwensya o kakilala sa mga ahensya ng
gobyerno, sa pulitiko para sa panahon ng kagipitan ay may malalapitan ka.