Salaysay ni Bb. Dalia Nalliw Dalia Nalliw, 23 taong gulang, taga-Bangaan, Ifugao, empleyado sa Ifugao Cultural Heritage Office (ICHO). (Ang Salaysay ni Bb. Dalia Nalliw ay kinuha noong noong ika-28 ng Hulyo taong 2018 sa Bangaan, Ifugao. Ang Salaysay ay kinuha ni Gg. Mohammad Rayyan M. Domado, Legal Assistant ni Attys. Hasminah D. Paudac at Grizelda Mayo-Anda, kasama si Bb. Desiree Llanos Dee at Gg. Albert Lozada.) Q1: Maaari mo ba kaming bigyan ng iyong maiksing personal na impormasyon? A1: Ako ay nakatapos ng BS Information Technology sa Benguet State University. Ang tatay ko ay isang minero noon pero ngayon ay kinukuha bilang kontraktor sa pagsto-stonewalling. Ang nanay ko naman ay isang magsasaka kung saan nang-gagaling ang pinambubuhay sa amin. Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Ifugao Cultural Heritage Office (ICHO). Q2: Ano ang katungkulan mo sa ICHO? A2: Isa akong Administrative Aide. Isa ako sa mga nagpapatupad ng programa ng aming opisina na tinatawag na School of Living Tradition (SLT). Ang SLT ay binubuo ng tatlong activities: stonewalling, handicrafts, at native songs and dances. Q3: Ano ang nag-udyok sa iyo bakit mo pinili ang trabaho mo ngayon? A3: Ang kagustuhan ko na malaman ang tradisyon at kaugalian ng aming mga ninuno ang nagtulak sa akin na mahalin ang trabaho ko. Marami kasing hindi taga-rito ang nagtatanong sa akin. Nahihiya ako kapag hindi ko nasasagot ang mga tanong tungkol sa sayaw, ritwal, bigas at sa iba’t ibang aspeto tungkol sa kultura ng Ifugao. Dapat kasi matutunan ko yun para maibahagi ko sa ibang tao. Q4: Ano ang ginagawa ninyo na patungkol sa kultura at tradisyon? A4: Sinisubaybayan at tinutulungan namin ang mga culture bearers na naka-assign sa mga bata. Kapag may kaugnayan sa mga bata mula 11-15 na taong gulang ang programa namin, inuugnay namin sa Department of Education (DepEd), tapos sila na ang pumipili ng magiging culture bearers. Q5: Ano ang culture bearer? A5: Ang culture bearer ay ang taong tumutulong para ma-preserve ang kultura at tradisyon namin dito sa Ifugao.

Select target paragraph3