6
winawasak ang ating mga aria-arian, kabuhayan, at mismong kumikitil sa ating
buhay? Saan ba tayo hihingi ng hustisya sa palagiang pagkawasak at pagkitil ng
buhay nang dahil sa kalamidad ng baha at bagyo?
Pero hindi pa tapos ang kwento ng aking karanasan. Akala ko noon,
nakalagpas na kami, unti-unti nakapag-ipon na ulit kami at nakapagpundar ng mga
gamit sa bahay. Halos sampung (10) taon pagkatapos ni Ondoy at pagsalanta ng
Habagat, naka-recover na kami. Subalit, nitong Agosto lamang, walang bagyo pero
ang habagat ay nagdulot na naman ng matinding pagbaha sa Marikina, kung saan
libo-libong residente ng siyudad ay pwersahang bumalik sa mga evacuation centers.
Gaya ng dati, kung sinu-sino na naman ang aking tinawagan, nagbabakasakali na
matulungan ang aking pamilya na nasa ikalawang palapag ng bahay na inuupahan
ng aking kapatid sa Marikina. Naroroon ang aking senior citizens na magulang na
napilitang lumikas mula sa aming bahay, na mabilis na sinira ng paulit-ulit na
pagbaha.
Sa pagkakataong ito, hindi madali ang lumikas sa aking magulang na may
sakit. Si Tatay ay stroke patient at hindi na maayos na nakakalakad, samantalang
ang Nanay ko ay may sakit na Alzheimers. Bago pa ang Habagat nitong Agosto,
araw-araw ay naroon sa aming bahay na sinira ng baha ang aking mga magulang.
Bagamat nasira na, kumportable silang nananatili doon at umuuwi na lamang sa
bahay ng aking kapatid upang kumain at matulog. Ayaw nilang umalis sa bahay na
nasira lalo na nung pinipilit na silang lumikas dahil sa baha. Gayunpaman,
makukumbinsi silang umalis at manatili na lamang sa ikalawang palapag ng bahay
ng aking kapatid kung saan kasama nila ang buong pamilya. Dito na sila naghintay
ng paghupa ng ulan at ng baha. Mabuti at hindi na tumaas pa ang noo’y anim na
talampakang (6 ft.) lalim ng baha sa loob ng bahay.
Matapos ang ilang oras, nakampante na ako nang sabihin ng aking kapatid na
pababa na muli ang baha. At tumambad muli ang makapal na putik at ang mga gamit
na lumutang sa tubig. Nakakatawa, matapos ang muling pagpupundar sa loob ng
halos sampung (10) taon, isang iglap, naubos, nasira, hindi na ulit mapakinabangan.
Gaya ng dati, iniisip ko pa lang napapagod na ako. Ganoon na lang ba ang buhay
namin? Tila walang humpay na pagre-recover, pagre-rebuild? Isang sikulo na
lubhang nakakapagod kundi man ay nakamamatay.
Hanggang sa ngayon, hindi pa kami nakakabalik sa lumang bahay na pinabilis
ang pagkasira ng sunod-sunod na baha.
Makalipas ang isang buwan, bagong bagyo na naman ang sumalanta sa ibang
panig ng bansa. Bukod sa milyon-milyong halaga ng pagkawasak sa imprastraktura,
agrikultura, ari-arian, maraming buhay muli ang naibuwis nang dahil sa kalamidad.
Kailan matatapos ito? Paano matatapos ito? Paano maibabalik sa dati ang
“pamumuhay” naming mga lagi na lamang sinasalanta ng kalamidad? Ang sabi ng
gobyerno, kailangan na kaming lumipat. Ang sabi ng mga “eksperto,” hindi na
pwede ang mga komunidad malapit sa mga ilog o dagat dahil ito ay danger zone.
Paano ang mga gaya namin na na-demolished mula sa Tandang Sora at inilipat
ng gobyerno sa Marikina na siyang naging relocation site? Lilipat ba ulit kami?