3 Samantala, nagsabi na ang aking kapatid na sinira na nila ang dingding ng aming bahay upang makaakyat sa bubong dahil patuloy pang tumataas ang tubig na noo’y nasa dibdib na nila. Naiiyak na ako sa kawalan ng magagawa, at “powerlessness” sa panahong iyon. Walang humpay akong nananalangin na sana ay tumila na ang ulan at mailigtas na ang aking pamilya sa tiyak na kapahamakan. Iniisip ko ang aking pamilya habang umaakyat ng bubong, habang nakatambay sa bubong ng bahay. Inilalarawan nila na parang malawak na dagat na ang paligid, malakas na umaagos ang tubig, inaanod ang sari-saring mga gamit-pambahay gaya ng refrigerator, sofa, mesa, aparador, kalan, at marami pang iba. Kahit ang patay na nakaburol noong panahon na iyon sa kabilang kanto na itinali ang kabaong ay nagpapalutang-lutang din. Parang pelikula ang nagaganap. Hindi ako makapaniwala at lalong hindi ko matanggap na sa patuloy na pagbuhos pa ng ulan ay maaari nang malunod ang buo kong pamilya kung hindi mare-rescue sa itaas ng aming bubong. Mabuti na lamang at iyong kapit-bahay namin at may ikatlong palapag (third floor) na bahay. Sinikap ng aking pamilya na makaabot sa ikatlong palapag ng kapitbahay na noong panahong iyon ay kinukumpuni (under construction) pa. Sa text ng aking kapatid, umabot sila sa halos apatnampung (40) tao at mga alagang hayop, aso, manok, at pusa na magkakasama sa limampung (50) square meter na laki ng ikatlong palapag na bahay. Halos kalahati sa kanila ay basang-basa sapagkat kalahati lamang ng bahay ang may bubong at wala pang dingding. Binigyang prayoridad na makasilong ang mga bata at ang mga matatanda. Magkahalong gutom, panginginig sa lamig, basang mga katawan, at takot sa kanilang kalagayan ang huling text na aking natanggap. Matapos ito ay naputol na ng pagbibigay sakin ng update dahil sa naubos na ang baterya ang kanilang cell phone. Halos madaling araw na, bandang ala-dos (2:00 a.m.) ay nagpasya na kami ng aking kapatid na bunso at asawa nito na umuwi sa bahay. Nagluto na din kami ng kanin at adobo para makakakain ang aking pamilya. Nagbaon ng tinapay at tubig. Tumila na din ang ulan kung kaya ang baha sa paligid na lugar kung saan kami naroroon ay humupa na. Nakaabot kami hanggang sa Katipunan at duon tambak na ang mga taong naglalakad. Ginawa ding emergency center ng gobyerno ang ilalim ng fly over sa Katipunan. Naghintay kami sa Katipunan nang halos dalawang (2) oras. Matapos ang paghihintay, naglakas-loob kami, nakisabay sa maraming nagtangkang lumakad at lumusong sa pahupa nang baha papunta sa aming lugar sa Marikina. Hawak ko ang kaldero ng kanin, samantalang ang aking bayaw ay tubig at ulam at ang kapatid ko ay ang tinapay at mga tuyong damit. Hindi kami sigurado sa dadaanan at dadatnan. Sa bungad pa lang, nasa dibdib pa ang lalim ng tubig. Subalit may mga taong kasama kami na lumulusong na din. Ito ang nagpalakas ng loob namin para lumusong na din at magpatuloy sa mabagal na paglalakad. Nakarating kami sa aming bahay, mag-a-alas sais na ng umaga (6:00 a.m.). Madilim pa dahil sa walang kuryente. Nasa tuhod na lamang ang tubig sa loob ng aming bahay nang kami ay dumating at naglilimas na ng putik sa ikalawang palapag ang aking tatay at mga pamangkin. Niyakap ko una ang aking mga pamangkin na noo’y nanginginig na sa lamig dahil sa magdamag nang basa ang katawan. Halos

Select target paragraph3